Iginiit ng mga lider sa edukasyon at pangkapayapaan sa ASEAN ang kahalagahan ng peace education sa paghahanda sa kabataan sa mga hamon ng makabagong panahon.
Sa ASEAN Peace Education High-Level Conference sa Quezon City, sinabi ni Presidential Peace Adviser Secretary Mel Senen Sarmiento na dapat ituring na investment ang peace education para sa katatagan, pagkakaisa, at kinabukasan ng Southeast Asia.
Binigyang-diin pa ni Sarmiento na dapat malinang sa kabataan ang empathy, intercultural understanding, critical thinking, at kakayahang resolbahin ang pagkakaiba-iba nang hindi gumagamit ng dahas.
Sinabi naman ni Philippine Permanent Representative to ASEAN Ambassador Evangeline Ong-Jimenez na mas mahalaga ang peace education sa harap ng misinformation, disinformation, social polarization, geopolitical tensions, at mabilis na pag-unlad ng teknolohiya.
Ayon kay CHED Chairperson Shirley Agrupis, mahalaga rin ang papel ng mga paaralan at guro sa pangmatagalang paghubog ng kakayahan ng lipunan na pamahalaan ang mga pagkakaiba bago mauwi sa hindi pagkakasundo.
Dinaluhan ang dalawang araw na kumperensya ng mahigit 400 education leaders, policymakers, peace practitioners, academics, development partners, at youth advocates mula sa iba’t ibang panig ng rehiyon.
Pinangunahan ng Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU), katuwang ang Department of Education (DepEd), Philippine Center for Islam and Democracy (PCID), at iba pang regional at international partners, isinagawa ang kumperensya bilang bahagi ng mga deliverables ng 2026 ASEAN Chairship ng Pilipinas.