Dapat kilalanin ang mga kabataan bilang aktibong katuwang sa pagsusulong ng kapayapaan sa digital spaces, lalo na sa harap ng paglaganap ng misinformation, online conflict at iba pang banta sa internet.
Ito ang binigyang-diin ni Ingpat “Yuki” Pakchairatchakul, Project Manager ng UNDP Bangkok Regional Hub, na nagsabing kailangang ituro sa mga paaralan at komunidad ang kultura ng dialogue at pag-unawa sa pagkakaiba-iba.
Ayon sa kanya, hindi dapat iisa ang modelo ng peace education dahil magkakaiba ang edad, background at sitwasyong kinakaharap ng mga kabataan. Aniya, dapat locally relevant at age appropriate ang mga programa at kasama mismo ang kabataan sa pagbuo ng mga solusyon.
Samantala, sinabi ni Juaquine “Wacky” Racho, Assistant Secretary for Visayas ng National Youth Commission (NYC), na mahalagang pakinggan ang pangangailangan at pananaw ng kabataan dahil malaki ang kanilang presensya at kakayahan sa digital spaces.
Kabilang sa mga binanggit na hakbang ang digital literacy programs at partnerships tulad ng Meta boot camps upang mas maging handa ang kabataan sa pagharap sa online violence at iba pang digital challenges.
Ang nasabing usapan ay isa lamang sa iba’t ibang side events kaugnay ng ikalawang araw ng ASEAN Peace Education Conference, na pinangunahan ng Pilipinas bilang host at concurrent chair ng ASEAN 2026 sa pamamagitan ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU), katuwang ang Department of Education (DepEd), Philippine Center for Islam and Democracy (PCID), at King Abdullah Bin Abdulaziz International Centre for Interreligious and Intercultural Dialogue (KAICIID).