Muling nanawagan si Navotas Representative Toby Tiangco na suspendihin o bawasan ang excise tax sa mga produktong petrolyo upang maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Ayon kay Tiangco, dapat gamitin ng pamahalaan ang kapangyarihang ipinagkaloob sa ilalim ng Republic Act No. 12316 para pansamantalang suspendihin o bawasan ang excise tax sa petrolyo.
Simula September 22, tumaas ng ₱8.82 kada litro ang diesel, ₱4.88 ang gasolina at ₱6.47 ang kerosene.
Sa loob lamang ng tatlong linggo, umabot na sa ₱18.31 kada litro ang itinaas ng diesel, ₱15.25 sa gasolina, at ₱16.67 sa kerosene.
Sinabi ni Tiangco, na hindi lamang mga motorista ang apektado dahil maaaring tumaas din ang gastos sa pamasahe, pagkain, delivery, at iba pang pangunahing bilihin.
Giit ni Tiangco, panahon na para pansamantalang bawasan ng pamahalaan ang buwis sa langis upang direktang maibsan ang dagdag-gastos ng mga pamilyang Pilipino.