Ibinahagi sa ASEAN Peace Education High-Level Conference ang sistemang Bodong ng Kalinga bilang isang epektibong katutubong mekanismo sa pagpapanatili ng kapayapaan at pagresolba ng alitan.
Ipinaliwanag ni Engr. Andres B. Ngao-i, Secretary General ng Kalinga Bodong Council at Chairperson ng Matagoan Bodong Consultative Council, na nakabatay ang konsepto ng ‘Bodong’ sa diyalogo, pananagutan ng komunidad, at pagpapanumbalik ng nasirang ugnayan.
Tampok din sa talakayan ang 1986 Mount Data Sipat Peace Agreement kung saan ginamit ang mga tradisyunal na kaugalian sa pakikipagkasundo ng pamahalaan at ng Cordillera Bodong Administration at Cordillera People’s Liberation Army. Ayon sa kanya, naging mahalagang pundasyon ito ng pangmatagalang kapayapaan at pagkilala sa mga karapatan ng mga katutubo.
Ang naging talakayang ito ay bahagi ng ikalawang araw ng ASEAN Peace Education High-Level Conference na naglalayong palakasin ang papel ng peace education at itampok ang mahahalagang ambag ng mga katutubong kaalaman at tradisyon sa pagsusulong ng pangmatagalang kapayapaan sa rehiyon.