Kinumpirma ng Malacañang na ikinu-konsidera na ng Palasyo ang paggawad ng absolute pardon kay Mary Jane Veloso. Ito ang OFW na na-detain at napabilang sa death row sa Indonesia dahil sa kasong drug trafficking.
Ayon kay Communications Usec. Claire Castro, mula naman nang mapauwi sa Pilipinas si Veloso hanggang sa kasalukuyan, hindi naman isinara ng Palasyo ang posibilidad na maigawad ang absolute pardon dito.
Gayunpaman, kung ano ang timeline, rason, at iba pang konsiderasyon kaugnay sa kaso ni Veloso, mainam na kung kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mismo ito manggaling.
Samantala, naitanong rin kung mayroon pa bang pangangailangan na ipabatid ng Pilipinas sa Indonesia, sakaling maisakatuparan ito, ayon kay Castro, sa kaniyang pagkakaalam, hindi na ito kinakailangan pa.
“Sa ating pagkakaalam, ang ipinaabot saatin, hindi na po kailangan.” — Castro.