Maaaring maantala ng hanggang dalawang taon ang operasyon ng North-South Commuter Railway o NSCR at Metro Manila Subway dahil sa kakulangan ng pondo para sa right-of-way acquisition.
Sa interpelasyon ni Akbayan Party-list Representative Perci Cendaña kay Appropriations Committee Vice Chair at budget sponsor Edwin Ongchuan, lumabas na kulang ang inilaan na pondo para sa right-of-way ng dalawang proyekto.
Ayon kay Ongchuan, P2.7 bilyon lamang ang nasa 2027 National Expenditure Program para sa right-of-way ng NSCR, kumpara sa tinatayang P30 bilyong pangangailangan para sa 2027.
Nang tanungin ni Cendaña ang epekto nito sa timeline ng mga proyekto, sinabi ni Ongchuan na mababalam ang dalawang proyekto.
Paliwanag pa ng sponsor, tinatayang minimum na dalawang taon ang maidagdag sa delay kung hindi madadagdagan ang pondo para sa right-of-way acquisition.
Dahil dito, ang target na full operation ng Metro Manila Subway na 2031 ay maaaring maurong sa 2033, habang ang NSCR, na target operasyonal sa 2033, ay maaaring umabot sa 2035.
Gayunman, sinabi ni Ongchuan na maaari pang mahabol ang orihinal na timeline kung pagbibigyan ang hinihinging karagdagang pondo ng DOTr para sa right-of-way.