Binigyang-pugay ng Justice Sector Coordinating Council o JSCC si Chief Justice Alexander Gesmundo sa 2026 JSCC Summit bilang pagkilala sa kanyang pamumuno at mga repormang isinulong sa justice sector sa nakalipas na limang taon.
Huling JSCC Summit na ito ni Gesmundo bilang nakaupong Punong Mahistrado at JSCC Co-Principal bago ang kanyang pagreretiro sa Nobyembre.
Sa ilalim ng kanyang pamumuno, lumawak mula pito noong 2021 hanggang 20 sa buong bansa ang Justice Zones na layong palakasin ang koordinasyon ng mga institusyon sa justice sector at mapalapit ang access to justice sa mga komunidad.
Binigyang-diin din sa summit ang mga naging hakbang ng JSCC para mabawasan ang court backlog at jail congestion.
Nagpaabot din ng pagkilala kay Gesmundo sina Department of the Interior and Local Government Secretary Juanito Victor C. Remulla at Department of Justice Secretary Fredderick A. Vida dahil sa kanyang papel sa pagpapalakas ng koordinasyon ng Korte Suprema, DOJ at DILG.
Sa kanyang keynote message, sinabi ni Gesmundo na dapat manatiling tapat ang bawat institusyon sa kani-kanilang mandato habang patuloy na nagtutulungan para sa mas mabilis, patas at episyenteng paghahatid ng hustisya.