Inatasan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang Southern Police District (SPD) na magsagawa ng masusi at komprehensibong imbestigasyon kaugnay ng pamamaril sa Makati City na ikinasugat ng isang condominium manager.
Ayon sa ulat, naganap ang insidente sa kahabaan ng Chino Roces Avenue, Barangay Pio del Pilar, Makati City, kung saan dalawang hindi pa nakikilalang lalaking sakay ng motorsiklo ilang beses na nagpaputok ng baril.
Ayon kay NCRPO Officer-in-Charge Police Brigadier General Christopher Abrahano na inatasan na nito ang Makati City Police at Southern Police District na gamitin ang lahat ng kinakailangang investigative at intelligence resources upang matukoy, mahanap at maaresto ang mga responsable sa insidente, gayundin upang matukoy ang motibo sa likod ng pamamaril.
Pinaalalahanan naman ng NCRPO ang publiko na agad ipagbigay-alam sa pulisya ang anumang kahina-hinalang indibidwal, kilos, o aktibidad na kanilang mapapansin upang maagapan ang posibleng krimen at mapanatili ang kaligtasan sa komunidad. | ulat ni Aj Ignacio