Nakatulong ang aabot sa P3 milyong technology assistance ng Department of Science and Technology (DOST) sa kumpanyang Nuvali Steel Processing Center Inc. para mapalakas ang kanilang manufacturing operations at production capacity.
Ayon kay DOST Secretary Renato Solidum, ginamit ang pondo sa pagbili ng dalawang welding robots na nagpaigting sa bilis at efficiency ng produksyon ng kumpanya.
Dahil dito, nakapagprodyus ang Nuvali Steel ng mas maraming materyales at nakatanggap ng mas maraming orders. Kasabay nito, tumaas din ang bilang ng kanilang mga empleyado mula 71 tungong 241.
Dagdag pa ng kalihim, nakatulong din ang DOST energy audit sa kumpanya para mabawasan ng 20% ang kanilang electricity costs.
Sinabi ni Solidum na bahagi ang intervention sa mas malawak na Industry 4.0 o Smart Factory approach ng DOST sa ilalim ng iSmart program, na naglalayong isama ang artificial intelligence, robotics, at automation sa iba’t ibang industriya sa bansa.