📸 DFA
Ipinanawagan ng Pilipinas ang mas matatag na pagkakaisa ng mga bansa upang harapin ang mga pandaigdigang hamon, kabilang ang climate change, mga armed conflict, food insecurity at mga banta sa maritime security.
Sa talumpati ni Foreign Affairs Secretary Maria Theresa Lazaro sa 81st United Nations General Assembly, binigyang-diin niya na kailangan ang diplomasya, international law at multilateral cooperation para makamit ang pangmatagalang kapayapaan.
Nanawagan din ang Pilipinas ng agarang ceasefire sa Gaza, proteksyon sa mga sibilyan at paggalang sa karapatan ng Palestinian people sa self-determination.
Binigyang-diin din ni Lazaro ang epekto ng climate change sa Pilipinas, kung saan mahigit 2.7 milyong pamilya ang naapektuhan ng mga bagyo at habagat mula Agosto.
Tinalakay rin ang pangangailangan ng responsableng AI governance, proteksyon sa migrant workers at seafarers, at pagpapanatili ng malaya at ligtas na karagatan.
Iginiit din ng Pilipinas na dapat manatiling gabay ang international law sa paglutas ng mga alitan, kabilang ang South China Sea, at nanawagan ng reporma sa UN Security Council upang maging mas kinatawan at responsive sa mga developing countries.
Ginaganap ang 81st UN General Assembly High-Level Week sa United Nations Headquarters sa New York City, Estados Unidos magmula Setyembre 22 hanggang 28.