Photo courtesy of Philippine Coast Guard (PCG)
Patuloy ang search and rescue operations ng Philippine Coast Guard (PCG) para sa walong nawawalang pasahero ng M/V June Aster sa karagatan at baybayin ng Calanhayaun Island sa Barangay Tara, Coron, Palawan.
Nitong Setyembre 26, nagsagawa ng maritime at foot patrol, shoreline monitoring at coastal monitoring patrol ang mga tauhan ng Coast Guard District Palawan, Disaster Response Group, Special Operations Group at mga crew ng BRP Suluan.
Nag-deploy rin ang PCG ng high-speed response boat at rubber boats para sa maritime patrol at search and rescue operations. Gumamit din ng mga drone para sa aerial surveillance sa baybayin at mga kalapit na lugar.
Sa isinagawang coastal monitoring patrol, walang nakitang oil sheen sa lugar na minomonitor. Ayon sa PCG, magpapatuloy ang search and rescue at maritime response operations hanggang matugunan ang mga kinakailangang hakbang sa paghahanap sa walong nawawalang pasahero ng M/V June Aster.