Pinaiimbestigahan ni Senador Ping Lacson kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon kung paano napunta sa Leyte ang geotagged photos na kalakip ng billing documents ng isang proyekto sa Taguig City.
Batay sa ulat mismo ng DPWH na binanggit ni Lacson, ang geotagged photographs ng contract ID 220b0106 ay may coordinates na humigit-kumulang 600 kilometers ang layo sa aktuwal na project site at tumutukoy sa Leyte province.
Ayon kay Lacson, taliwas ito sa pahayag ni Dizon noong biyernes na walang ghost projects sa Taguig.
Binigyang-diin din ng senador na ang contractor ng naturang proyekto ay St. Timothy Construction, na pag-aari ng Discaya family na naiuugnay sa mga kontrobersiyal na flood control projects.
Batay naman sa financial documents na binanggit ni Lacson, nakapag-release ng 15 percent advance payment na nagkakahalaga ng ₱13.738 million noong June 23, 2022.
Ang mga kalakip na billing photographs ay may coordinates na tumutukoy sa Tacloban City, Leyte.
May ilang subsequent billings din ang proyekto na umabot sa kabuuang higit ₱96 million, habang sinabi ni Lacson na nakita rin sa DPWH inspection report na ang coordinates sa geotagged photos na kalakip ng progress at final billing ay hindi tumutugma sa aktuwal na project site.
Samantala, binanggit din ni Lacson ang resulta ng DPWH analysis sa mahigit 15,000 billing photos ng mga proyekto sa taguig mula 2017 hanggang 2025.
Sa 15,523 larawang sinuri gamit ang ai-based image similarity detection, 1,079 pairs ang na-flag dahil sa mataas na visual similarity.
Ayon kay Lacson, nagsumite na ang kaniyang tanggapan sa Office of the Ombudsman ng hindi bababa sa 45 case studies na naglalahad umano ng systemic anomalies sa flood control projects sa taguig. Nagsagawa na rin ang ombudsman ng fact-finding investigation sa usapin. | ulat ni Nimfa Asuncion