Palalakasin ng Philippine National Police (PNP) ang kakayahan ng mga pulis na matukoy ang mga senyales ng matinding emotional o psychological condition para makapagbigay ng tulong sa mga taong nangangailangan.
Kasunod ito ng paglulunsad ng Project Gabay-Kaisipan ng Pola Municipal Police Station sa Oriental Mindoro, isang programang tumutulong na tukuyin ang mga senyales ng matinding paghihirap sa mga estudyante sa tulong ng mga eksperto sa kalusugang pangkaisipan.
Ayon sa PNP, isa ito sa mga hakbang upang labanan ang mga insidente ng karahasan, lalo na sa mga kabataan.
Inatasan na ni PNP Chief PGEN. Jose Melencio Nartatez, Jr. ang mga police commander pumili na ng maaaring sumailalim sa espesyal na training sa pamamagitan ng PNP Health Service.
Sa ilalim ng Project Gabay-Kaisipan, sasanayin ang mga tauhan ng PNP na matukoy ang mga estudyanteng nangangailangan ng karagdagang tulong.
Pinuri rin ni Nartatez ang mga pulis ng Pola sa pagbuo ng inisyatiba, aniya’y makakatulong para palakasin ang pagtutulungan ng law enforcement, edukasyon, at sektor ng kalusugan sa pagprotekta sa mga estudyante. | ulat ni Diane Lear