Walang katotohanan ang impormasyon na pinalulutang na umano’y ikinu-konsidera ng administrasyon ang tambalan nina dating Vice President Leni Robredo at dating Senator Manny Pacquiao bilang kandidato para sa 2028 national elections.
Kung matatandaan, sinabi ng political strategist na si Lito Banayo, na pina-plano umano ng Palasyo na patakbuhin ang dalawa bilang kinatawan ng administrasyon sa halalan.
Ayon kay Communications Usec. Claire Castro, hindi naman bahagi ng administrasyon si Banayo.
Posible pa aniya na sariling strategy lamang niya ito.
Sabi ni Castro, wala namang siyang natatanggap na detalye kaugnay sa halalan.
“Wala po kasing ibinibigay sa akin na anumang detalye patungkol sa tandem-tandem na iyon. Kasi ang tutok po ng Pangulo, unang-una, kailangan tugunan ang problema sa paparating na Super El Niño.” —Castro.
Ang tutok aniyang ng gobyerno sa kasalukuyan, pagtugon sa inaasahang epekto ng Super El Niño, at hindi ang politika.
“Marami pa pong dapat tugunan, pati po itong mga isyu tungkol sa krisis sa Middle East. So, sa ngayon po ay hindi politika o pamumulitika ang iniisip ng administrasyon. So, trabaho lang po muna tayo, huwag puro eleksyon, eleksyon, aksiyon, aksiyon muna.” —Castro. | ulat ni Racquel Bayan