Photo courtesy of Senate of the Philippines
Tinanong ni Senator-Judge Risa Hontiveros si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte tungkol sa relasyon ng negosyanteng si Jaime T. Cruz sa pamilya Duterte at sa Gencorp Industries.
Sa day 31 ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, kinumpirma ni Mayor Baste na ang mga kontrata ng Davao City Government sa Gencorp na lampas ₱30 milyon ay dumaan sa kanyang kinatawan at kailangan ng kanyang approval o authorization bilang mayor.
Inusisa din ni Hontiveros kung alam ni Mayor Baste na parehong stockholder sina Vice President Sara Duterte at Jaime Cruz sa ibang kumpanya.
Sinabi ng Alkalde na hindi niya ito alam.
Pinunto ni Hontiveros na nagsilbi si Cruz bilang special envoy to China sa administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at may business association umano kay VP Sara.
Kinumpirma naman ni Baste ang mga impormasyong inilahad ng senadora.
Nang tanungin kung paano niya ilalarawan ang relasyon ni Cruz sa kanilang pamilya, sinabi ni Mayor Baste na kaibigan ito ng kanyang ama at kilalang negosyante sa Davao.
Matapos nito, sinabi ni Hontiveros na hindi maituturing na malayo ang relasyon ni Cruz sa pamilya Duterte dahil bukod sa pagiging kaibigan ng kanyang ama ay may mga business association din ito sa kanyang mga kapatid at naging contractor ng Davao City Government.