Idineklarang hostile witness ng impeachment court si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa ika-31 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Dahil dito, pinayagan ang House prosecution panel na magtanong kay Mayor Baste gamit ang mga leading question.
Humaharap si Mayor Baste bilang testigo kaugnay ng mga transaksyon ng Davao City government sa Gencorp Industries Inc., isang kumpanyang idineklara ni VP Sara bilang business interest sa kanyang 2024 at 2025 SALNs.
Hiniling ng prosecution na ideklarang hostile witness ang alkalde dahil sa relasyon niya kay VP Sara at sa mga nauna niyang pahayag na wala siyang alam sa interes ng kanyang kapatid sa Gencorp at na maayos na isinagawa ang mga transaksyon ng city government sa kumpanya.
Sa nauna niyang pahayag, sinabi ni Mayor Baste na may 19 na transaksyon ang Davao City government sa Gencorp na nagkakahalaga ng ₱33.26 milyon.
Iginiit niya na wala siyang kaalaman, gayundin ang ibang opisyal at empleyado ng city government, sa interes ni VP Sara sa kumpanya.
Ang mga transaksyon sa Gencorp ay bahagi ng ebidensya ng prosecution sa Article II ng impeachment complaint, na tumatalakay sa mga alegasyon ng unexplained wealth, hindi wastong deklarasyon ng mga ari-arian at kabiguang mag-divest ng business interests.