Pinatawan ng National Telecommunications Commission (NTC) ng ₱100,000 na multa kada araw ang DITO, Globe at Smart dahil sa hindi pa rin maayos na mobile broadband service sa ilang lugar sa Metro Manila.
Batay sa revalidation ng NTC nitong Setyembre, nanatili ang mga naunang natukoy na problema sa signal at broadband service.
Kabilang sa mga lugar na tinukoy para sa Globe ang Manila, Makati at Quezon City.
Sa DITO, kabilang ang San Juan, Pasay at Las Piñas, habang Parañaque, Manila at Pasig naman ang mga lugar na tinukoy para sa Smart.
Nagsimula ang pagpapataw ng multa noong Setyembre 25 at magpapatuloy ito hanggang sa maayos ang mga problema. Magsasagawa rin ang NTC ng retesting kada dalawang linggo upang matiyak ang pagpapabuti ng serbisyo.