Nanawagan ang Pilipinas ng mas malaking pondo para sa mga bansang matinding naaapektuhan ng climate change.
Sa United Nations Headquarters sa New York, iniulat na mahigit 2.8 bilyong dolyar ang hinihinging pondo ng mga bansang nangangailangan ng tulong.
Pero nasa 250 milyong dolyar lamang ang kasalukuyang available sa Fund for Responding to Loss and Damage (FRLD).
Ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., kailangan ang mabilis, predictable at hindi nagdaragdag ng utang na climate financing upang matulungan ang mga bansang tinatamaan ng kalamidad.
Iginiit naman ni DENR Secretary Juan Miguel Cuna na dapat mas mabilis at direktang makarating sa mga komunidad ang tulong.
Nanawagan ang Pilipinas sa mga developed country, private sector at iba pang donor na dagdagan ang kanilang ambag upang matugunan ang lumalaking epekto ng climate change.