Ibinasura ng senate impeachment court ang hiling ng house prosecution panel na ipa-admit bilang ebidensya ang mga bank records ni Vice President Sara Duterte.
Batay sa ruling ni Presiding Officer Chiz Escudero, nananatiling protektado sa impeachment proceedings ang right against self-incrimination sa ilalim ng bill of rights.
Nag-ugat ang ruling sa request for admission ng prosecution na inihain noong september 8, na sumasaklaw sa personal circumstances at dating Public Offices ni VP Sara, business interests ng kanyang asawang si Atty. Manases Carpio at iba’t-ibang tax at bank records.
Tumutol ang defense at hiniling na i-expunge ang request.
Ayon kay Escudero, kung pagbibigyan ang request for admission, ang pagsagot sa mga material at relevant na katanungan ay maaaring maging katumbas ng pagpilit sa respondent na maging testigo laban sa kanyang sarili.
Dagdag pa niya, ang hindi pagsagot sa request ay maaaring ituring na admission, habang ang sagot naman ay kailangang under oath at maaaring maglantad sa respondent sa liability for perjury.
Binigyang-diin din ng presiding officer na hindi maaaring gamitin ang request for admission para ilipat sa respondent ang burden of proof ng prosecution.
Aniya, kailangang patunayan ng prosecution ang mga alegasyon sa pamamagitan ng competent evidence at dapat mapanatili ang procedural due process at iba pang constitutional rights ng nasasakdal.
Samantala, sinabi ni Escudero na bagama’t hindi criminal prosecution ang impeachment, hindi nito inaalis ang mga constitutional safeguards na ipinagkakaloob sa respondent.
Gayunman, hindi pinagbigyan ng court ang hiling ng defense na i-expunge o alisin ang request sa records.
Giniit ni Escudero na mananatili sa records ang request for admission, ang objection ng defense at ang ruling ng court pero nilinaw na wala itong evidentiary, factual o prejudicial effect laban sa bise presidente. | ulat ni DK Zarate