Kinuwestyon ni Senator Raffy Tulfo ang umano’y talamak na “palakasan system” sa pamamahagi ng government housing, kung saan sinasabing napapaboran ang mga empleyado ng munisipyo at mga taong malapit sa mga mayor at barangay captain.
Sa pagdinig ng senate sub-committee on finance para sa panukalang 2027 budget ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at mga attached agency nito, kabilang ang National Housing Authority (NHA), sinabi ni Tulfo na may mga reklamong nakarating sa kanyang tanggapan tungkol sa mga benepisyaryong mayroon nang sariling ari-arian o sasakyan pero nakatatanggap pa rin ng government housing dahil sa kanilang koneksyon.
Sinabi rin ni Senator Raffy na may mga politikong ginagamit ang government housing bilang gantimpala sa kanilang mga botante.
Pinaliwanag naman ni NHA General Manager Joeben Tai na nakabatay ang pagpili ng mga benepisyaryo sa mga listahang isinusumite ng Local Government Units o mga national government agency para sa mga housing project, kabilang ang resettlement at mga programang para sa mga biktima ng kalamidad.
Dahil dito, iminungkahi ni Tulfo ang pagbuo ng isang dedicated unit sa NHA na magsasagawa ng masusing beripikasyon sa mga benepisyaryo para matiyak na kwalipikado ang mga tatanggap ng pabahay.
Sinang-ayunan naman ni Tai ang mungkahi.
Hiniling din ng senador sa NHA na tiyaking hindi ibinebenta, inililipat o ipinapaupa ng mga benepisyaryo sa ibang tao ang mga government housing unit na ipinagkaloob sa kanila.
Nangako naman si Tai na palalakasin ang monitoring para maiwasan ang ganitong mga gawain. | ulat ni Nimfa Asuncion