Photo courtesy of Senate PRIB
Itinutulak ni Senate Committee on Urban Planning, Housing and Resettlement Chairman Senator Chiz Escudero ang institusyonalisasyon ng rental housing subsidy para sa mga pamilyang nawalan ng tirahan dahil sa pagpapaalis, kalamidad, o mga proyektong pang-imprastraktura.
Sa kanyang sponsorship speech para sa Senate Bill No. 2503, o ang panukalang Rental Housing Subsidy Act, iginiit ni Escudero na layunin ng panukala na magbigay ng pansamantalang tulong sa pagbabayad ng upa sa mga pamilyang nasa kritikal na sitwasyon habang naghihintay ng permanenteng pabahay o relokasyon.
Kabilang sa mga prayoridad sa ilalim ng panukala ang mga pamilyang nakatira sa mga lugar na mapanganib, mga lupang kinakailangan para sa mga proyektong pampublikong imprastraktura, at mga lugar na hindi angkop tirhan.
Ibabatay ang halaga ng subsidy sa umiiral na singil sa upa, pangangailangan ng pamilya, at kakayahan nitong pinansyal. Gayunman, hindi ito maaaring lumampas sa aktuwal na halaga ng upa.
Maaaring ibigay ang subsidy bilang direktang tulong sa pagbabayad ng upa na ibabayad sa nagpapaupa o bilang rental voucher na maaaring gamitin sa pampublikong paupahang pabahay.
Ayon kay Escudero, maaaring ibigay ang subsidy sa loob ng hanggang tatlong taon at i-renew taun-taon, hangga’t kwalipikado ang pamilya at wala pa itong permanenteng tahanan o naililipatang permanenteng pabahay. Sinabi ng senador na layunin ng panukala na matiyak na may ligtas na matitirhan ang mga pamilyang nawalan ng tahanan habang naghihintay ng permanenteng solusyon sa kanilang pangangailangan sa pabahay.