BuCor
Hindi pa agad-agad na makakalabas ng kulungan sina Cedric Lee at Deniece Cornejo
Ito ang nilinaw ni Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang Jr. matapos ibaba ng Court of Appeals ang parusa sa dalawa mula sa serious illegal detention na naging mas mababang kaso na grave coercion.
Ayon kay Director Catapang, kailangan muna nina Lee at Cornejo na mag-apply para sa parole.
Bukod dito, may hiwalay pa silang kaso ng grave coercion na kailangang paglingkuran at hindi pwedeng isabay sa naunang sentensya.
Tinatayang aabot naman aniya sa apat na taon ang kabuuang parusa ng dalawa, pero iko-compute itong muli ng BuCor.
Sa ngayon, inaayos na ng BuCor ang mga kinakailangang papeles sa Board of Pardons and Parole para sa tamang proseso ng kanilang posibleng paglaya.
Matatandaan na sina Cornejo, Lee at iba pang akusado ay nahatulan ng isang korte sa Taguig City ng illegal detention noong 2024 sa aktor na si Vhong Navarro. | ulat ni Louisa Erispe