Nais ni Senator Erwin Tulfo na gawing permanente at institutionalized ang tourism campaign slogan ng Pilipinas sa pamamagitan ng isang panukalang batas.
Inihain ni Tulfo ang Senate Bill No. 2511 o panukalang “Philippine Tourism Campaign Slogan Act,” na naglalayong itakda ang official tourism campaign slogan ng Pilipinas nang hindi bababa sa 15 taon.
Ayon kay Tulfo, layunin nitong maiwasan ang madalas na pagpapalit ng tourism slogan kada administrasyon.
Pinunto ng senador na ilang beses nang nagpalit ng tourism slogan ang bansa mula sa “Wow Philippines,” “It’s More Fun In The Philippines,” hanggang sa kasalukuyang “Love The Philippines.”
Nakalilito aniya ito para sa mga foreign traveler at nakaaapekto sa pagkakaroon ng consistent na national tourism identity.
Sa ilalim ng panukala, gagamitin ang official tourism slogan sa national at local development plans at ipagbabawal ang paggamit ng supplementary campaign messages.
Suportado naman ni DOT Secretary Dita Mathay ang panukala at sinabing mainam na magkaroon ng permanenteng slogan ang bansa gaya ng “Love The Philippines,” na aniya ay sumasalamin sa init, malasakit at hospitality ng mga Pilipino. Ayon kay Senator Erwin, kailangan ding palakasin ang mga tourism-related initiative para makahikayat ng mas maraming turista at makalikha ng dagdag na kita para sa ekonomiya.