Pinaiigting ng Pilipinas ang paggamit ng renewable energy at electrification, sa gitna ng patuloy na kaguluhan at pagbabago ng presyo ng fuel sa pandaigdigang merkado.
Ayon sa Regional Analysis ng Zero Carbon Analytics o ZCA, pinakamataas sa anim na pangunahing ekonomiya sa Southeast Asia ang bilang ng mga hakbang ng Pilipinas para sa renewable energy at electrification sa unang anim na buwan ng geopolitical conflict sa Middle East.
Mula February 28 hanggang August 31, 2026, 13 renewable energy at electrification measures ang naitala sa bansa.
Samantala, 22 energy policy measures naman ang kabuuang naitala sa Pilipinas—pinakamataas kumpara sa Indonesia, Malaysia, Thailand, Singapore at Vietnam.
Ayon kay Energy Secretary Sharon Garin, mahalagang pabilisin ang pagpapaunlad ng renewable at indigenous energy resources para mabawasan ang epekto ng pagtaas o pagbabago ng presyo at suplay ng fuel mula sa ibang bansa.
Kabilang sa mga hakbang na isinusulong ng Pilipinas ang pagpapabilis ng solar projects, pagpapalawak ng rooftop solar at net metering, paggamit ng battery energy storage systems, at pagsuporta sa electric vehicles.
Sa kabuuan, sinabi ng ZCA na mas nakatuon na ngayon ang mga pangmatagalang energy policy ng mga bansa sa Southeast Asia sa renewable energy at electrification.
Target ng Pilipinas na umabot sa 35 porsiyento ang renewable energy sa power generation pagsapit ng 2030, at 50 porsiyento naman pagsapit ng 2040. | ulat ni Aj Ignacio