Iginiit ng Philippine National Police (PNP) ang masidhing pagnanais nito na linisin ang kanilang hanay mula sa mga tiwaling tauhan nito.
Ayon kay PNP Chief, Police General Jose Melencio Nartatez Jr., walang puwang sa kanilang hanay ang mga tiwaling pulis na sumisira sa tiwala sa kanila ng publiko.
Kaugnay nito, pinaigting pa ng PNP ang mga hakbang nito laban sa mga pulis na sangkot sa pangongotong at iba pang ilegal na gawain.
Ginawa ng PNP Chief ang babala kasunod ng pag-aresto sa isang Police Staff Sergeant na iniuugnay sa pangongotong, partikular ang pangongolekta ng “butaw” o “protection fee” mula sa mga drayber ng jeepney sa bawat biyahe.
Tinukoy din ang suspek na sangkot sa pagpatay sa isang jeepney driver sa Katihan Bridge, Brgy. Poblacion, Muntinlupa City, noong Hunyo.
Inilarawan ni PGEN Nartatez ang mga ganitong gawain bilang direktang pag-atake sa integridad ng organisasyon at sa reputasyon ng libo-libong pulis na nagsisilbi nang may katapatan at propesyonalismo.