Personal na tinanggap ng tinaguriang “Kings of P-Pop” na SB19 ang Senate Resolution no. 545, na kumikilala sa makasaysayang performance nito sa Lollapalooza chicago 2026 at sa ambag ng grupo sa pag-unlad ng creative industries ng bansa.
Kinilala ni Senador Bam Aquino, na siyang pangunahing may-akda ng resolusyon, ang grupo bilang naging unang homegrown Filipino act na nagtanghal sa Lollapalooza noong July 30 sa Grant Park sa Chicago.
Binanggit din ni Aquino ang mga naging tagumpay ng SB19 sa International Music Charts.
Ayon kay Aquino, ipinapakita ng tagumpay ng SB19 ang potensyal ng creative industries ng Pilipinas na makalikha ng trabaho, oportunidad at mas malawak na international presence para sa kulturang Pilipino.
Binigyang-diin din niya na kabilang sa kaniyang legislative priorities bilang chairperson ng spSenate Committee on Trade, Commerce, and Entrepreneurship ang pagpapalakas ng creative economy at pagpapalawak ng oportunidad para sa Filipino artists, creators, filmmakers, designers at iba pang creative professionals.
Sa co-sponsorship speeches naman nina Senador Joel Villanueva, Risa Hontiveros at Kiko Pangilinan, kinilala ang grupo na binubuo nina Pablo, Josh, Stell, Ken, at Justin.
Ayon kay Villanueva, itinanghal ng SB19 ang “Dam,” “Gento,” “Mapa,” “Crimzone,” at nagbigay-pugay sa “Mga Kababayan” ni Francis Magalona.
Ibinahagi rin ni Hontiveros ang kuwento ng yumaong Philippine Air Force Lieutenant Kero Pasos, isang proud A’tin na aniya’y nakahanap ng saya, lakas, at comfort sa musika ng SB19.
Kinilala rin ng mga senador ang A’tin bilang mahalagang bahagi ng tagumpay ng grupo.
Binigyang-diin naman ni Pangilinan na dala ng grupo sa pandaigdigang entablado ang music, wika, kultura, at talento ng mga Pilipino.
Ayon kay Pangilinan, nagbukas ang SB19 ng landas para sa iba pang Filipino artists na mangarap at makilala sa pandaigdigang entablado.