Hindi titigil sa pagbabantay gayundin sa pag-aalalay ang Philippine National Police (PNP) sa mga pasaherong maaapektuhan ng tigil-pasada ng iba’t ibang transport group.
Ito’y bagaman itinigil na ng grupong MANIBELA ang kanilang tigil-pasada ngayong araw habang magpapatuloy ang ikinasa namang protesta ng grupong Pinagkaisang Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) na inaasahang tatagal hanggang bukas.
Ayon kay PNP Chief, PGen. Jose Melencio Nartatez Jr, kaisa sila ng iba’t ibang ahensya ng Pamahalaan na maghahandog ng mga “LIBRENG SAKAY” kaya’t mananatiling naka-antabay ang kanilang mobility assets.
Kasunod nito, inatasan din ng PNP Chief ang mga Commander sa ground na paigtingin pang lalo ang presensya ng Pulisya sa mga transport hub at iba pang areas of convergence para alalayan ang mga pasahero.
Paalala ng PNP Chief sa mga pulis, manatiling propesyunal habang iginagalang ang karapatan ng mga tsuper na magpahayag ng kanilang saloobin sa mga usaping kanilang kinahaharap.