Iminungkahi ni Sen. Raffy Tulfo na repasuhin ng mga mambabatas ang kasalukuyang patakaran sa pagmamay-ari ng firearms, partikular ang bilang ng baril na maaaring ariin ng isang private citizen.
Sa day 30 ng impeachment trial, sinabi ni Tulfo na nagulat siya nang malaman na walang itinakdang limitasyon sa bilang ng firearms na maaaring maging pagmamay-ari ng isang licensed gun owner, kabilang ang high-powered firearms.
Tinanong niya ang kinatawan ng PNP-FEO na si Pol. Maj. Jerrickson Sangalang kung maaaring magkaroon ng maraming Class A firearms ang isang pribadong indibidwal.
Kinumpirma ng witness na maaari itong gawin basta may lisensya o LTOPF at patuloy na rehistrado ang mga armas.
Dahil dito, sinabi ni Senator-judge Raffy na dapat pag-aralan kung kinakailangan ang pagtatakda ng maximum na bilang ng firearms na maaaring pagmamay-ari ng isang tao, collector man o hindi.
Ayon sa Senador, mahalagang maiwasan ang posibilidad na maipon ang napakaraming armas sa kamay ng isang indibidwal at magamit ang mga ito sa pagbuo ng private army.
Samantala, iminungkahi rin ni tulfo na baguhin ang paraan ng pagdedeklara ng firearms sa SALN.
Sa halip aniya na isama ang mga ito sa personal property, nais niyang gawing itemized ang deklarasyon para maging mas malinaw ang mga ari-arian at maiwasan ang kalituhan.