Isang Chinese research vessel ang namataan sa Itbayat, Batanes umaga ng Sept. 28 sa isinagawang Maritime Domain Awareness (MDA) flight ng Philippine Coast Guard kasama sina Spokesperson to the West Philippine Sea (WPS) Rear Admiral Jay Tarriela, Deputy Director General Nestor C. Herico ng National Security Council sa opisina ni Vice Governor Jonathan Enrique Nanud Jr. at Basco Mayor German Caccam.
Nasa tinatayang 38 nautical miles Hilagang-kanluran ng isla ng Itbayat ang naturang research vessel na may bow name na JAI HAI KE 7. Ang naturang barko ay maka ilang beses hinamon sa pamamagitan ng radyo at iginigiit na ipahayag ang intensiyon nito dahil ito ay nasa katubigang sakop ng Philippine exclusive economic zone (EEZ) ngunit hindi tumugon ito sa naging hamon ng PCG.
Ayon kay Tarriela, natukoy ang naturang research vessel hindi sa pamamagitan ng Automatic Identification System (AIS) nito, kundi ng PCG monitoring station sa Itbayat. Batay sa beripikasyon gamit ang Dark Vessel Detection (DVD) sytem na ibinigay ng Canada, natukoy ang isang AIS trail na imposible ayon sa pisikal na realidad, dahil ang naturang barko ay umalis sa Xiamen, Fujian ng 12:59 ng hating gabi noong September 21, 2026 at dakong 8:10 ng gabi ng kaparehas na araw ay nasa Bindari, Papua New Guinea na ito na nasa mahigit 2000 nautical miles ang layo. At kaninang umaga dakong 6:55 ito ay nagpapadala ng signal mula sa hilagang-kanluran ng Itbayat, Batanes.
Patuloy na susubaybayan ng PCG ang naturang research vessel at magsasagawa din ng mga susunod na MDA flights maging ang lahat ng kinakailangang hakbang alinsunod sa batas ng Pilipinas at sa UNCLOS upang hamunin at paalisin ang mga sasakyang-pandagat na nagsasagawa ng mga hindi awtorisadong aktibidad sa ating maritime zone.