Nagbabala ang mga meteorologist at mga ahensya sa mga posibleng epekto ng umiiral na El Niño sa bansa, habang inaasahan ang patuloy na paglakas nito sa mga susunod na buwan.
Ayon sa DOST-PAGASA, inaasahang magiging katamtaman hanggang sa malakas (Moderate to Strong) ang antas ng El Niño ngayong Setyembre 2026. Binalaan din ang publiko na posibleng umabot pa sa napakalakas (Very Strong) ang antas nito bago matapos ang taong 2026, at maaari pang magpatuloy ang epekto nito hanggang sa unang kalahati ng taong 2027.
Nangyayari ang El Niño kapag mas tumataas ang temperatura ng tubig sa tropical Pacific Ocean kumpara sa normal, na siyang nagpapabago sa weather patterns sa buong mundo.
Dahil dito, inaasahan ang mas kaunting pag-ulan, mas mainit na temperatura, at ang banta ng tagtuyot o drought sa iba’t ibang dako ng Pilipinas. Ang mga kondisyong ito ay inaasahang magdudulot ng matinding pagsubok sa supply ng tubig sa mga kabahayan, kakulangan sa irigasyon sa mga sakahan, at banta sa kalusugan ng mga taong madalas magtrabaho sa labas dahil sa matinding init.
Bagama’t nagdudulot ang El Niño ng mas mababang antas ng pag-ulan, lininaw ng mga dalubhasa na hindi nito ganap na pinipigilan ang pag-ulan sa bansa. Inaasahan pa rin ang paminsan-minsang malakas na pag-ulan, thunderstorms, at epekto ng Habagat.
Dahil dito, pinapaalalahanan ang lahat ng mamamayan na maging responsable at maghanda. Kabilang sa mga pangunahing payo ang pagtitipid ng tubig, ligtas na pag-iipon ng tubig-ulan para sa mga gawaing-bahay, pag-iingat laban sa heat stroke o matinding init, at ang patuloy na pagsubaybay sa mga ulat-panahon mula sa pamahalaan.