Kasado na ang mga paghahanda ng Climate Change Commission (CCC) para sa inaasahang matinding epekto ng El Niño sa bansa.
Sa panayam ng PTV kay Climate Change Commission, Commissioner Albert Dela Cruz, sinabi niyang pinaalalahanan na ng CCC ang mga lokal na pamahalaan ang kanilang Climate Action Plan upang lubos na mapaghandaan ang matinding tagtuyot.
Napakahalaga rin ng magkakatuwang na pagtugon ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at mga local government unit upang maiwasan ang mas malaking pinsala ng El Niño partikular sa agri sector na direkta namang makaka-apekto sa ekonomiya ng bansa.
Isa naman sa mga dapat mas matutukan ng gagawing whole-of-nation approach sa epekto ng El Niño ang pagkakaroon ng localized water resource management upang maging mas episyente ang paggamit sa suplay ng tubig.
Bagamat hindi basta-basta maiiwasan ang epekto ng El Niño, mahalagang may tamang mindset at plan of action hindi lang ang pamahalaan, maging ang mga residente mismo ay kumilos upang maiwasan ang mas malalalang sitwasyon na maaaring kahantungan ng Super El Niño.