Pinangunahan ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Francis N. Tolentino ang mahalagang pulong kasama ang Employers Confederation of the Philippines (ECOP), Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), pati na rin ang mga kinatawan mula sa public sector unions (PSLINK) at sektor ng konstruksyon upang talakayin ang mga paparating na labor advisory na naglalayong protektahan ang mga manggagawa laban sa matinding init ng panahon.
Ang hakbang na ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng pambansang lakas-paggawa laban sa banta ng labis na init.
Bukod sa mga pangunahing safety protocol, tinalakay din sa pagitan ng DOLE at mga employer ang pagpapatupad ng mga flexible work arrangement o nababagong oras ng pagtatrabaho. Layunin nitong masigurong magpapatuloy ang operasyon at produktibidad ng mga negosyo habang epektibong nababawasan ang pagkakalantad ng mga manggagawa sa mapanganib na temperatura.
“We need to ensure the labor standards, occupational safety standards without sacrificing the output and productivity of the employees, workers, together with their safety, but recognizing likewise the business and their work,” pahayag ni Secretary Tolentino.
Binigyang-diin din ng kalihim na napakahalaga ng maagang paghahanda at pagsasagawa ng mga simulasyon upang masuri ang magiging epekto ng init sa mga manggagawa. Ayon sa kanya, kung magpapatuloy lamang sa “business as usual” nang walang inilalabas na labor advisory, malaki ang panganib na humantong ito sa mga seryosong suliraning pangkalusugan.
“We have to prepare and simulate the effect of this one. Marami ‘yung effect but we have to simulate. If we don’t issue the labor advisory and we go on to business as usual, then in fact, likewise (effect) would be health-related,” dagdag pa niya.
Bilang bahagi ng malawakang konsultasyon, magsasagawa rin ang DOLE ng hiwalay na pagpupulong para sa mga platform worker at delivery riders upang hingin ang kanilang mga suhestiyon para sa nakasulat na labor advisory na partikular na tutugon sa kanilang kapakanan.
Patuloy na pinagtitibay ng DOLE ang pangako nitong itaguyod ang kaligtasan ng mga manggagawa sa pamamagitan ng regular na pag-aupdate ng mga alituntunin sa paggawa, mahigpit na pagpapatupad ng occupational safety standards, at pagpapatupad ng mga programang nagbibigay-proteksyon sa lahat ng sektor ng paggawa sa bansa.