Photo courtesy of Department of Education (DepEd)
Bibisitahin ng Department of Education (DepEd) ang mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa na lumahok sa 2025 Programme for International Student Assessment (PISA).
Layon nitong mapanatili ang tagumpay ng bansa at palakasin ang mga local support network ng mga mag-aaral.
Sa 2025 PISA cycle, kinilala ang Pilipinas bilang pinakamabilis na umunlad na bansa sa buong mundo sa Reading. Tumaas din ang marka ng bansa sa Reading, Science, at Mathematics kumpara noong 2022.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, kailangan ng pangmatagalang dedikasyon para mapanatili ang tagumpay na ito. Hindi aniya sapat ang iisang programa, administrasyon, o assessment cycle, dahil kailangan ang pagtutulungan ng lahat.
Sa ngayon, nagsimula nang mag-ikot sa iba’t ibang rehiyon ang mga opisyal ng DepEd kasama ang mga monitoring team at testing coordinator. Gagamitin ng DepEd ang mga field visit na ito para gawing permanente ang mga nakamit na tagumpay sa pamamagitan ng mga programa gaya ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) Program.