Pinagkokomento ng Korte Suprema ang Office of the President, Commission on Elections (Comelec), at Kongreso kaugnay ng petisyong kumukuwestiyon sa pagpapalawig ng termino ng mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan.
Binigyan ng Supreme Court ang mga respondent ng limang araw upang magsumite ng kanilang komento, kabilang ang hiling na maglabas ng temporary restraining order (TRO) o status quo ante order.
Inihain ang petisyon ni election lawyer Atty. Romulo Macalintal, na kumukuwestiyon sa constitutionality ng Republic Act No. 12326.
Sa ilalim ng batas, pinalawig ang termino ng mga kasalukuyang opisyal at ipinagpaliban ang Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa Nobyembre 2028, mula sa orihinal na iskedyul na Nobyembre ngayong taon.
Ayon kay Macalintal, dapat ideklarang unconstitutional ng Korte Suprema ang batas dahil nilalabag umano nito ang karapatan ng mga botante na pumili ng kanilang mga opisyal.