Photo courtesy of Rep. Jude Acidre
Pinuri ni TINGOG Party-list Representative Jude Acidre ang ratipikasyon ng panukalang Philippine Geriatric Center Act, na layong palakasin ang specialized healthcare para sa mga nakatatanda.
Ayon kay Acidre, malaking tulong ito sa mga pamilyang nahihirapang humanap ng tamang pangangalaga para sa kanilang matatandang magulang at lolo’t lola.
Sa ilalim ng panukala, magsisilbing pambansang referral at coordinating center para sa geriatric health services ang Philippine Geriatric Center.
Habang hindi pa ito naitatayo, magsisilbing national specialty center ang Evangelina Macaraeg Macapagal Geriatric Health Center para sa geriatric care.
Sinabi ni Acidre na makatutulong ito sa mga pamilyang sabay na naghahanapbuhay, nagpapalaki ng mga anak, at nag-aalaga ng matatandang magulang.
Layunin ng panukala na mabigyan ang mga nakatatanda ng mas accessible na healthcare upang makapamuhay nang mas matagal, malusog, at may dignidad kasama ang kanilang mga pamilya.
Kasabay nito, binigyang-pugay ni Acidre ang yumaong Batanes Representative Ciriaco Gato Jr., dating chairperson ng House Committee on Health at sponsor ng panukala, na tumulong sa pagsusulong nito.