Isinusulong ng Pilipinas at Kuwaiti Government ang mas malakas na proteksyon sa Filipino migrant workers na nagtatrabaho sa Kuwait.
Sa panayam ng Radyo Pilipinas World Service kay Department of Migrant Workers (DMW) Undersecretary Bernard Olalia, sinabi nito na tinalakay nila kasama ang mga opisyal ng embahada ng Kuwait sa Pilipinas ang mga hakbang upang patuloy na mabigyan ng proteksyon at mga pangunahing pangangailangan ang mga Overseas Filipino Worker (OFWs) na nakararanas nang pang-aabuso mula sa kanilang mga employer at iba pang mga insidente.
Aniya, sa pamamagitan nang patuloy na koordinasyon ng dalawang bansa at pagmo-monitor maging ng kanilang mga ahensya sa kalagayan ng mga OFW, kaagad maaaksyunan ang mga problema at maipararating sa kani-kanilang tanggapan.
Ayon pa kay USec. Olalia, mayroon ding online application ang DMW na “KUMUSTA KABAYAN” para sa lahat ng mga OFW kung saan maaar nilang iparating ang kanilang sitwasyon saan mang bansa sila naroroon.
Binigyan-diin din ng opisyal na ang pangunahing layunin ng programa ay upang kaagad na matugunan ang kinakailangang serbisyo ng mga OFW.