Kapag biglang nawalan ng pagkakakitaan ang isang manggagawa, hindi puwedeng hintayin ng pamilya ang susunod na trabaho bago matugunan ang kanilang araw-araw na pangangailangan.
Ito ang safety net na nais ipagpatuloy ng pamahalaan sa pamamagitan ng panukalang P11.03-billion alokasyon para sa Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) Program ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa 2027. Target nitong magbigay ng pansamantalang employment at income support sa 672,776 disadvantaged at displaced workers sa buong bansa.
Pero sa mas pinalakas na approach ng pamahalaan, hindi lang dapat mauwi sa pansamantalang trabaho ang TUPAD. Dapat itong magsilbing tulay patungo sa susunod at mas sustainable na pagkakakitaan ng isang manggagawa.
Sa ilalim ng TUPAD, binibigyan ng community-based emergency employment ang disadvantaged at displaced workers. Sa pamamagitan nito, kumikita sila mula sa temporary public at community work habang naghahanap o naghihintay ng panibagong regular na pagkakakitaan.
Bagama’t mananatili sa P11.03 billion ang proposed funding para sa 2027—kapantay ng FY 2026 National Expenditure Program (NEP) level—mas mahaba ang suportang matatanggap ng kwalipikadong long-term beneficiaries. Mula 20 araw, magiging 45 araw ang prescribed work period. Tataas din mula P350 tungo sa P400 kada beneficiary ang suporta para sa personal protective equipment (PPE).
Ibig sabihin, mas matagal na makakakuha ng income support ang qualified beneficiaries sa ilalim ng long-term component, habang mas pinapalakas din ang kanilang kaligtasan sa trabaho.
Binigyang-diin ni President Ferdinand R. Marcos Jr., sa kanyang FY 2027 Budget Message, ang mahalagang papel ng emergency at community-based employment sa pagtulong sa mga pamilyang harapin ang biglaang economic shocks.
“Through emergency and community-based employment, the program helps Filipino families cope with economic disruptions, recover from disasters, and address other unforeseen challenges while earning a dignified source of livelihood,” ayon kay President Marcos.
Para naman kay Department of Budget and Management (DBM) Acting Secretary Kim Robert C. De Leon, hindi lang dapat masukat ang TUPAD sa dami ng temporary jobs na naibibigay nito. Mas mahalaga kung nagiging daan ang mga oportunidad na ito para makahanap ang mga manggagawa ng mas sustainable na trabaho o kabuhayan.
“Hindi dapat matapos ang tulong kapag natapos ang TUPAD. Dapat itong magsilbing tulay habang tinutulungan ang manggagawa na makahanap ng mas matatag na trabaho o kabuhayan sa pamamagitan ng livelihood programs, internships, skills training, at employment services,” pagbibigay-diin ni Secretary De Leon.
Kaugnay ito ng pinalakas na TUPAD framework ng DOLE, kung saan iniuugnay ang beneficiaries sa skills training, employment facilitation, livelihood assistance, at iba pang oportunidad na makatutulong sa kanilang paglipat tungo sa mas sustainable na pagkukunan ng kabuhayan.
“Ang TUPAD ay agarang suporta kapag nawalan ng pagkakakitaan, pero ang mas malaking layunin natin ay tulungan silang makarating sa susunod na oportunidad. Temporary work should be a bridge—not a dead end,” dagdag ni Secretary De Leon.
Sa proposed FY 2027 funding, layunin ng pamahalaan na mabigyan ng agarang suporta sa kabuhayan ang mga manggagawa sa panahong pinaka kailangan nila ito, habang binibigyan sila ng mas malinaw na daan mula sa temporary employment tungo sa skills, livelihood, at mas sustainable na trabaho.