Isang flight mula Dubai patungong Tel Aviv ang napilitang mag-emergency landing sa Saudi Arabia matapos umanong saksakin ng co-pilot ang kapitan habang nasa himpapawid ang eroplano.
Ayon sa ulat ng Reuters, sakay ng Flydubai flight FZ1073 ang 174 katao na karamihan ay Israeli.
Sa kabila ng natamong saksak ng kapitan, nagawa pa nitong buksan ang pinto ng cockpit.
Dahil dito ilang pasahero at miyembro ng crew ang agad na kumilos at napigilan ang co-pilot.
Habang dalawang piloto naman ng Flydubai na kabilang sa mga pasahero ang tumulong sa paghawak sa flight at nagsagawa ng emergency landing sa Tabuk, Saudi Arabia.
Matapos ang ilang oras, ipinagpatuloy ng mga pasahero ang kanilang paglalakbay sakay ng kapalit na eroplano at ligtas na nakarating sa Ben Gurion Airport.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente at nanawagan na hintayin ang resulta ng opisyal na pagsisiyasat.