Nanawagan si Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity o OPAPRU Secretary Mel Senen Sarmiento ng mas malawak na partisipasyon ng mamamayan sa pamamahala upang makamit ang pangmatagalan at inklusibong kapayapaan sa bansa.
Sa kanyang talumpati para sa pagtatapos ng National Peace Consciousness Month at Gawad Kapayapaan 2026, sinabi ni Sarmiento na hindi nagtatapos sa mga kasunduan ang pagsusulong ng kapayapaan. Dapat aniyang maramdaman ito sa mga komunidad, pamilya at kabuhayan ng mga Pilipino.
Hinimok din niya ang mga dating rebelde at combatant na makilahok sa Barangay, Municipal, City, Provincial at Regional Development Councils upang maipahayag ang kanilang mga pangangailangan at makatulong sa monitoring ng mga proyekto ng pamahalaan.
“Our people really do not have to take up arms; there is a platform for people to be able to articulate what their needs are, participate in governance.” — Sec. Mel Senen Sarmiento, OPAPRU
Binigyang-diin din ng kalihim na mahalagang wakasan ang karahasan upang mas mailaan ang resources ng bansa sa pag-unlad.
“Tama na sa putukan, dahil sa bawat putok ng baril, kalahating kilong bigas po yan na pwede makain sa mga kapatid nating kumukulo ang tiyan.” — Sec. Mel Senen Sarmiento, OPAPRU
Ayon kay Sarmiento, mananatiling nakatuon ang OPAPRU sa whole-of-government at whole-of-society approach upang mapatatag ang peace gains at maisulong ang isang mas inklusibo, resilient at nagkakaisang Pilipinas.