Photo courtesy of Jay Tarriela/X
Kumilos at idineploy na ng Philippine Coast Guard (PCG) ang BRP Teresa Magbanua upang pigilan ang iligal o unauthorized Maritime Scientific Research o MSR ng isang Chinese Research Vessel sa katubigang sakop ng Batanes.
Sa panayam ng programang BOSES kay PCG Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela, sinabi nitong patuloy ang ginagawa nilang pag-challenge sa aksiyon ng Chinese Research vessel upang hindi maging normal ang mga iligal na aktibidad na ito sa katubigang sakop ng Pilipinas.
Ani Tarriela, patuloy sa hindi pagsagot ang nasabing Chinese Research vessel sa challenge ng PCG aircraft at ngayon maging sa PCG vessel ay hindi ito sumasagot.
Plano na rin ngayong mag-board ng mga tauhan ng PCG sa nasabing research vessel dahil na-categorize ito bilang isang private Chinese Research vessel.
Nangangahulugan ito na may karapatan ang Pilipinas na mag-board sa nasabing sasakyang pandagat at pigilan ang aksiyon ng nasabing private Chinese Research vessel.
Sa ngayon hindi pa rin malinaw ang tunay na motibo ng nasabing Chinese Research Vessel at kung ito ay state sponsored ng bansang China.