Photo courtesy of Philippine Coast Guard (PCG)
Patuloy ang pagtugon ng Philippine Coast Guard (PCG) sa sunog na sumiklab sa Motor Tanker Gindara sa Balayan Distillery Incorporated Port sa Barangay Talisay, Calaca City, Batangas.
Ayon sa PCG, nagsimula umano ang sunog sa engine room ng barkong may kargang molasses at 22 tripulante.

Dalawampung crew ang ligtas habang dalawa ang nasugatan at dinala sa mga pagamutan para sa kaukulang lunas.
Rumesponde rin ang Bureau of Fire Protection (BFP), mga lokal na tugboat at iba pang yunit ng PCG para sa firefighting, medical assistance, at imbestigasyon.
Ipinadala rin sa lugar ang BRP Malapascua para tumulong sa operasyon.
Wala nang nakikitang apoy sa bridge at superstructure ng barko pero may usok pa ring namataan.
Iniimbestigahan pa ang sanhi ng sunog.