Hinihintay na lamang ng Office of the Solicitor General (OSG) ang kopya ng petisyon na kumu-kwestyon na legalidad ng batas na nagsuspinde sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), na nakatakda sana sa November.
Pahayag ito ni Communications Usec. Claire Castro nang hingan ng reaksyon kaugnay sa utos ng Korte Suprema na magkomento sa petisyon inihain laban dito.
“Nakausap po natin mismo ang sa Office of the solicitor General, hinihintay lang po nila iyong kopya ng petisyon, dahil mismo nag Comelec at ang senado ay nakipag-ugnayan na rin po sa Office of the Solicitor General.” -Castro.
Ayon kay Castro, handa ang OSG na agad na tumugon, sa oras na makarating sakanilang tanggapan ang kopya ng petisyon.
“Agad kapag natanggap na po nila iyong kopya ng petisyon at susunod po sila sa utos ng Supreme Court na kung dapat tumugon, within five days from receipt of the said petition, they will comply.” -Castro.
Ipinauubaya na rin aniya ng Palasyo sa OSG ang pagbibigay ng komento sa umano’y paglabag ng batas sa karapatan ng mga Pilipino na makaboto.
“Mas nanaisin po natin na manggagaling ang posisyon na ito mula sa Office of the Solicitor General.” -Castro.
Ayon kay Castro, sa paningin ng Malacañang at ng mga mambabatas, nararapat lamang ang batas na ito.
Gayunpaman, kung ano aniya ang magiging pinal na pasya ng Korte Suprema, susundin ito ng Palasyo.
“Sa paningin po ng Pangulo at ng mga mambabatas ito ang nararapat, pero kung anuman ang magiging desisyon ng Supreme Court, susundin naman po nila. Pero ang stands ng ehekutibo, ng Comelec at ng senado, ay ipaglalaban din po ng Office of the Solicitor General.” -Castro. | ulat ni Racquel Bayan