Palalakasin at pupunan ng proposed Civil Aviation and Immigration Security Services (CAISS) Project ang mga umiiral na border security system ng pamahalaan.
Ito ang paglilinaw ni SecurIPort Chief Technology Officer Nate Carpenter, kasunod ng mga tanong kung madodoble lamang ng proyekto ang mga kasalukuyang sistema.
Ayon kay Carpenter, makikipag-ugnayan ang CAISS sa government systems at magdadagdag ng teknolohiya at impormasyon para mas mahusay na matukoy ang posibleng security risks.
Hindi papalitan ng CAISS ang mga umiiral na sistema, kundi palalawakin ang kanilang kakayahan at pakikinabangan ang mga naunang investment ng pamahalaan.
Ginawa ni Carpenter ang pahayag sa ika-21 ICAO Traveller Identification Programme Symposium sa Montreal, Canada.
Tinalakay sa pagtitipon ang border security, pagkilala sa mga biyahero, privacy at pagkakaugnay ng iba’t ibang sistema.
Layunin nitong makatulong sa mas ligtas, mabilis at maayos na pagproseso ng mga biyahero. | ulat ni Rey Ferrer