Posible pa ring maipatupad ang karagdagang P25 na dagdag-sahod para sa mga manggagawa sa Metro Manila kung mapagtitibay ng Korte ang wage order no. 27.
Ito ang sinabi ni DOLE Acting Secretary Francis Tolentino sa pagdinig ng Senate Finance Committee sa 2027 budget ng ahensya.
Sa ilalim ng wage order 27, kabuuang P85 ang dagdag sa minimum wage sa NCR, na dapat ipatupad sa dalawang tranche…P60 at karagdagang P25 sa January 20, 2027.
Gayunman, napigil ang implementasyon nito dahil sa court order.
Samantala, ipinatupad noong september 26 ang wage order no. 28 na nagbibigay ng P60 dagdag-sahod, kaya umakyat sa P755 mula P695 ang minimum wage ng non-agricultural workers sa NCR.
Nilinaw ni Tolentino na hiwalay ang wage order 28 at hindi nito otomatikong pinawalang-bisa ang wage order 27.
Aniya, kung ipag-uutos ng Korte na ibigay ang P25 second tranche, susundin ito ng DOLE.
Patuloy namang ipinaglalaban ng DOLE at office of the solicitor general sa Korte ang wage order 27. | ulat ni Nimfa Asuncion