Photo courtesy of PRO-5
Himas rehas ngayon ang 79 na wanted persons matapos naaresto ng mga police unit sa Bicol Region sa isinagawang “Warrant Day” operations ng PNP Police Regional Office 5 (PRO-5) kahapon, October 2, 2026.
Sa naturang bilang, lima ang Regional Most Wanted Persons, lima ang Provincial Most Wanted Persons, anim ang Municipal o City Most Wanted Persons, habang 63 ang iba pang wanted persons.
Isinagawa ang operasyon sa pamamagitan ng magkakaugnay na manhunt at warrant-service activities ng mga police station, intelligence unit, Provincial Mobile Force Company at iba pang law enforcement partners.
Kabilang sa mga naaresto ang isang 49-anyos na alyas “Nel” sa Juban, Sorsogon, na 27 taon umanong umiwas sa isang warrant of arrest para sa Acts of Lasciviousness.
Naaresto rin ang ilang Most Wanted Persons, kabilang ang Bicol Rank Number 3 Most Wanted Person na alyas “Noe” sa Labo, Camarines Norte, at iba pang indibidwal na may mga kaso ng murder, statutory rape at paglabag sa mga batas laban sa ilegal na droga at baril.
Ayon sa PRO-5, magpapatuloy ang intelligence-driven operations at pagpapatupad ng mga umiiral na warrant, habang tinitiyak ang legal na proseso at mga karapatang konstitusyonal ng mga inaaresto.