Arestado sa Dumaguete Airport sa Sibulan, Negros Oriental ang isang Amerikanong pasahero matapos mahulihan ng tinatayang tatlong gramo ng pinaniniwalaang marijuana.
Ayon sa PNP Aviation Security Group, patungong Maynila ang nasabing dayuhan nang mapansin ng Office for Transportation Security (OTS) x-ray inspector ang sachet ng ilegal na droga sa loob ng kaniyang bagahe.
Iginiit ng suspek na gagamitin lamang niya bilang pain reliever ang natagpuang marijuana. Gayunpaman, nagpositibo ito nang amuyin ng Narcotics Detection Dog at suriin ng PDEA.
Nahaharap ngayon ang Amerikano sa kasong paglabag sa Section 11 ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. Pinuri naman ni PNP AVSEGROUP Director PBGen Dionisio Bartolome Jr. ang alertong pagbabantay ng mga tauhan sa airport upang mapanatiling ligtas ang mga paliparan sa bansa.