Limang Overseas Filipino Workers (OFWs) sa Al Khobar, Saudi Arabia ang naging kauna-unahang mga benepisyaryo ng Alagang OWWA StepUP-ETEEAP Scholarship.
Sa ilalim ng programang ito, tatanggap ang mga napiling OFW ng educational assistance na hanggang 50,000 pesos mula sa OWWA. Gagamitin ito para sa kanilang pag-aaral sa kolehiyo habang patuloy na nagtatrabaho sa ibang bansa.
Layunin ng programa, sa pakikipagtulungan ng CHED, na bigyang-halaga at i-convert sa college degree ang mga natutunan at karanasan sa trabaho ng mga qualified na OFW sa pamamagitan ng ETEEAP Act o Republic Act No. 12124.
Binigyang-diin ni OWWA Administrator Patricia Yvonne Caunan na nag-ugat ang naturang programa mula sa mismong mungkahi ng mga OFW sa Al Khobar, na naglalayong tulungan ang mga kababayang isinantabi muna ang sariling pangarap para sa pamilya.