Pinalalawak ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang TUPAD program upang hindi lamang magbigay ng pansamantalang trabaho at kita, kundi maging daan din sa skills development, livelihood at mas pangmatagalang employment.
Sa ilalim ng Department Order No. 239-E, Series of 2026, ipatutupad ang pitong bagong inisyatiba na nakatuon sa work-to-skills, work-to-enterprise at work-to-employment pathways.
Kabilang dito ang SkillPass para sa skills certification, Tropa Negosyo Trabaho para sa pagtatayo ng micro-enterprises, at KaHANAP na nag-uugnay sa mga job-ready workers sa mga MSME na nangangailangan ng empleyado.
Mayroon ding Sagip-Trabaho, Match Fund LGU, Tulong-Aral, at Trabahong-Dagat na naglalayong palawakin ang mga oportunidad sa trabaho, negosyo, edukasyon at blue economy.
Layunin ng DOLE na gawing tulay ang TUPAD mula sa pansamantalang trabaho tungo sa mas matatag na kabuhayan, dagdag na kasanayan at sustainable employment.