Nilinaw ni Philippine Coast Guard spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela na walang naging koordinasyon ang PCG at Taiwan Coast Guard kaugnay ng pagmomonitor sa Chinese research vessel na Jia Hai Ke 7 sa bahagi ng Batanes.
Sa Saturday News Forum, sinabi ni Tarriela na nauna nang namataan ng PCG ang tatlong barko ng Taiwan Coast Guard na sumusubaybay sa Chinese vessel.
Aniya, naghintay umano ang mga barko ng Taiwan hanggang sa makalabas ng Philippine Exclusive Economic Zone o EEZ ang barko ng China.
Posible umanong nakabatay ang naturang monitoring sa Automatic Identification System o AIS data na ipinapakita ng mga barko ng Pilipinas.
Itinaboy ang Chinese vessel matapos umanong magsagawa ng hindi awtorisadong marine scientific research sa Philippine EEZ, 37 nautical miles northwest ng Itbayat, Batanes.
Ayon sa PCG, idineploy ang BRP Teresa Magbanua, kasama ang aircraft at rigid-hull inflatable boat, upang i-challenge ang barko. Ayon sa ulat ng Department of Foreign Affairs, walang pahintulot ang Pilipinas para sa naturang marine scientific research.