NCRPO
Pinaalalahanan ni National Capital Officer-in-Charge Christopher N. Abrahano ang lahat ng mall security personnel at security management na higpitan ang inspeksyon at manatiling alerto ngayong panahon ng “Ber Months.”
Ayon kay PBGen. Abrahano, normal na dumarami ang mga tao sa mga mall at establisimyento dahil sa mga aktibidad at paghahanda para sa holiday season.
Dahil dito, maaaring samantalahin ng mga kriminal ang dagsa ng mga mamimili at ang pagiging abala ng mga security personnel.
Kaugnay nito, pinatitiyak ni Abrahano na maayos ang inspeksyon sa mga entrance ng mall at maiging nasusuri ang mga taong pumapasok gayundin ang kanilang mga kagamitan.
Inihalimbawa ng Hepe ng NCRPO ang mga insidenteng iniuugnay sa tinatawag na “Martilyo Gang,” kung saan maaaring gamitin ang martilyo o iba pang kagamitan bilang instrumento sa paggawa ng krimen.
Payo n’ya sa mall security, maging mas mapagmatyag, lalo na sa mga hardware section at mga tindahang nagbebenta ng mga kagamitang maaaring abusuhin o gamitin sa krimen.
Samantala, inatasan din ng heneral ang mga security commander na direktang makipag-ugnayan at makipag-coordinate sa mall security management upang mapalakas ang information sharing, monitoring, at iba pang nararapat na security measures.